
High Street 
Burgos Circle

Taguig River Festival fluvial parade
Ang Taguig ay isang lumalagong lungsod dito sa Pilipinas na kilalang sentro ng komersyo , negosyo at mga pamayanan ng pangingisda sa kanlurang bahagi ng Laguna de Bay. Masusubukan dito ang ating tatag sa paghanap ng mga masasakyan, dami ng tao, pagiging madiskarte sa sariing pera at maranasan lamang ang buhay siyudad. Maraming nagsasabi na ang isang syudad ay hindi kaaya-aya dahil sa ingay at matinding daloy ng trapiko ngunit ang lungsod ng Taguig ay kakaiba at maraming pwedeng gawin dito at mapuntahan dahil ito ang itinuturing na “ProbinSyudad” ng Kalakhang Maynila. Dito rin mahahanap ang Bonifacio Global City (dating tinawag na Fort Mckinley) kung saan isa itong ginagawang pasyalan, pampalipas-oras at libangan ng nakakarami dahil sa dami ng mga magagarbong kainan na nagtatampok ng mga pagkain hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang panig ng mundo, bar, cafe pamilihan, dami ng puno sa mga kalsada at hardin na magandang lakarin, likhang-guhit sa mga kalsada at gusali na sumisimbolo sa kultura nito na aktibo sa mga sosyal na gawain at pagiging hasa sa pagkamalikhain kaya maraming pumupunta dito, mayabong ang pagkakakilanlan ng mga tao at isa sa mga pinipiling siyudad para sa isang kalidad na tirahan. Marami din ditong mga pagtitipon tulad ng mga handaan, ang Taguig River Festival at mga palarong panlungsod na dinadalo ng maraming tao mapa-lokal man o mula sa iba’t ibang kultura.

Sky Park ng SM Aura Premier kasama ng isang mural in the kanang bahagi.

Carabao art installation sa SM Skypark

Art murals sa loob ng SM Aura.
Isang pampublikong mall dito ay ang SM Aura Premier na maraming hagdan at escalator sa gitna nito. Maraming mga kainan at establisyimento ng damit dito na wala sa ibang mall. Isa na dito ang Bershka, kung saan maraming mamahaling damit pati na ang Clarks. Sa mga kainan naman, ang mayroon ay Barcino Wine Resto Bar, Banana Leaf Signature, Churreria La Lola, Nha Em, Teppanyaki Brothers at Baker Brothers na nagtatampok ng mga pagkain sa Asya at Europa. Kung pupunta doon ay mapapansin na ang mga hindi gaanong kilalang kainan dito sa Pilipinas ay nasa mga mataas na palapag, ito ang mga medyo mamahaling kainan habang ang kilalang kainan dito sa Pilipinas tulad ng Jollibee, McDonald’s at KFC ay nasa pinakamababang palapag ng mall. Sa rooftop naman mabibisita ang Sky Park na may malawak na mga hardin at mga fountain. Makikita dito ang iba’t ibang murals at “art installations” na ginawa ng mga “contemporary artists” na nagtatampok ng mga sagisag at kultura ng Pilipinas. Nandito din sa rooftop ang Chapel of San Pedro Calungsod at ang Samsung Hall para sa mga pagtitipon. Nagmula ang pangalan ng SM Aura sa dalawang elemento ng pangkimika (Chemistry), ang ginto (Au) at radyum (Ra). Hindi man ito ang pinakamalawak na mall, ngunit ito ay may kakaibang ganda sa pagiging elegante dahil na rin malinis ang loob, maraming pagpipilian pagdating sa personal na gustuhin at tuturuan ka pang pangalagaan ang kapaligiran.
Isa pa sa mga pangunahing atraksyon sa Fort Bonifacio Global City , Taguig ay ang Venice Piazza o ang Venice Grand Canal Mall sa McKinley Hills. Ito ay replica ng aktwal na Venice Canal sa Italy, maraming kainan, bilihan ng damit at kung ano-ano pang mga kagamitan. Pagpasok dito ay sasalubong na sayo ang mala-palasyong facade na pang-Europa at libre ang pagpasok dito.

Entrance to the Venice Piazza
Pagpasok sa loob ay bubungad na sa iyo ang canal na parang nasa Venice ka talaga dahil sa mga daluyan ng tubig nito at mga bangkang tinatawag na “gondola” na kakailanganin mong magbayad para makasakay at mayroon itong mga sariling bangkero sa bawat bangka. Ito ay isang mall na may halong pang-Pilipino at pang-Italyanong kultura. Mayroon ditong mga tulay Rialto sa ibabaw ng canal kung saan konektado ang mga gusali ng pamilihan sa dalawang magkabilaang-panig. Sa mga tulay Rialto rin ay may mga nakakabit na mga love locks. Iminumungkahi na mas magandang bisitahin ito kapag iilan lamang ang tao sa mga ordinaryong panahon ng taon at kapag panahon ng Kapaskuhan kung saan maraming mga lokal at parokyano ang dumadayo para sa mga selebrasyon. Kung ang Baguio ay mayroong Burnham Park na kilala sa lawa nito, ang Taguig naman ay mayroong Venice Grand Canal na siguradong babalikan ng mga tao sa mga gustong humanap ng “getaway” sa isang lungsod tulad ng Taguig.
Kung gusto mong bumisita sa lugar na pang-agham at puno ng mga imbensyon, bisitahin ang Mind Museum kung saan maraming galeriya at mahigit 250 na exhibit at huwag kalimutang kumuha ng maraming litrato.
Sikat ang mga mural at likhang guhit sa mga gilid ng kalsada o sa mga parke na likha ng mga pintor dito sa Pilipinas at sa ibayong dagat. Ito ay mga tipong sikat sa mga larawan na kinukunan ng mga turista at mga napapadaan lamang. Ito ay bagay na pagmasdan ng mga mahihilig sa mga likhang guhit o mga pintor at manlilikha.
Ang Bonifacio High Street ay isang pook-pasyalang puno ng mga kainan, pang-aliwan, pang-personal na libangan at mga pamilihan sa lahat ng lokal na establisyimento at malalaking gusali. Ito ang iminumungkahi ng iba sa mga gustong magpalipas ng oras kung pupunta man sa Taguig dahil sa balanse ng modernong kabihasnan at berdeng kalikasan dahil sa mga natatanging damo at puno na mayroon dito.

Bahagi ng Bonifacio High Street sa BGC.
Isa pang pook-pasyalan ay ang Burgos Circle dito sa BGC din kung saan maraming mga kainan, cafe, club at mga panglibangan kung saan pwedeng magpalipas din ng oras dahil na rin malawak at berdeng espasyo dito. Sa gitna ng Burgos Circle, ay isang iskulurang pinangalan na The Trees ni Reynato Paz Contreras na gawa sa tanso. Ilan lang ito sa mga sikat na parke at pook-pasyalang tinatawag ng henerasyong ito na “dog-friendly”,”Instagram-worthy” at pangkuha ng litrato ng sarili kasama ang personal na OOTD o “outfit-of-the-day”.

Ang Burgos Circle kasama ang “The Trees” na iskultura sa gitna ng larawan.
Isang lokal na pagkain ng mga Taguigenyo ay isang kakanin na tinatawag na Inutak, panghimagas na gawa mula sa galapong, asukal at gatas ng buko , bagay din itong kainin kasama ang sorbetes. Nagmula sa salitang-ugat ng Tagalog na utak dahil ang tuktok na bahagi ng pagkain kapag naluto na ay nagmimistulang hugis utak.
https://www.angsarap.net/2015/12/25/inutak/
Kung ikaw ay iikot sa Taguig ay may pagkakataon na madadaanan ang Manila American Cemetery and Memorial kung saan nakahimlay ang may 17,000 na Amerikanong nasawi noong World War II. Ito ay paboritong puntahan ng mga turista , beterano ng nagdaang giyera at mga kaanak ng mga nakahimlay dahil na rin sa dami ng puno at berdeng kapatagan na bumubuo sa hugis bilog ng sementeryong ito.Ito ay isang sagradong lugar kaya kailangan ng kapayapaan at katahimikan kung bibisita sa libingan na ito.
Ang Santa Anang Banak Taguig River Festival ay isang pista ng iba’t ibang aktibidad tuwing Hulyo na alay sa patron ng lungsod na si Santa Ana. Ito ay isang selebrasyong kultural, marelihiyoso, at mula sa mga kathang paniniwala ng mga natatanging lokal na minsang tinawag na “taga-giik”. Ayon sa alamat, ang patron na si Santa Ana ay nangolekta ng maraming Banak na isda sa ilog malapit sa isang simbahan para maibigay ito sa mga “taga-giik” o nasa mga sitio sa baybaying- lawa upang matulungan ang mga tao na ito mula sa kagipitan ng pagkasira ng kanilang mga pananim sa mga malubhang pagbaha at labis na nakaapekto sa kanilang panahon ng anihan.

Pagodahan 
Karera 
prusisyon ni Sta. Ana 
Pandangguhan
Mga aktibidad para sa kapistahan:
“Karera ng mga Bangkang Lunday”
Ang karera ay depiksyon ng mga mangingisda para maipanalo ang maraming huli ng ” banak” na isda. Ang mga bangkero ay apat sa isang bangka at ang isa ay taga-tambol.
“Boys and Girls Festival Parade”
Ang mga kabataan mula sa sekondarya ay maglalagay ng mga streamer ng isda sa mga masayang residente bilang regalo habang nagtutugtog ang banda.
“Banak Fish-Cone Tossing Ceremony”
Ang simbolismo ng pagtapon ng mga alay na pagkain ng mga mangingisdang ay sa milagro ng paglipana ng maraming isdang banak mula sa ilog hanggang sa bangka ng mga mangingisda.
“Pagodahan”
Pangungunahan nito ng Pagoda ng Patronang Santa Ana kasabay ng isang banda sa bangka. Magsisimula ang parada mula sa daungan sa Simbahan ng Santa Ana at maglalakbay ang Pagoda sa wawa ng Laguna de Bay hanggang makarating sa Usisan. Ang tinatawag na “Pasubo” ay ang pagtapon ng mga pagkain at ibang regalo galing sa mga tao sa Pagoda at sa mga nasa tabing ilog.
“Pandangguhan”
Pagkatapos ng Pagodahan ay agad-agad magsisimula ang sayaw sa prusisyon ng imahe ni Santa Ana. Ang mga deboto ay nasa pang Pilipinong kasuotan para sumayaw ng pandanggo o wasiwas para itanghal kung paano ginabayan ng mga babae ang mga mangingisda sa tabing ilog kapag sila ay uuwi na sa gabi gamit ang mga lampara.
Ang lahat ng mga ito ay nagpapakita kung paano pinapahalagahan ng mga Tagigenyo ang kanilang kultura at kasaysayan sa pamamagitan ng selebrasyon bilang alay kay Santa Ana para sa mga biyayang binigay niya at tanyag ang lungsod sa dami ng mga pook-pasyalang babalik-balikan at kung saan mabubuo mo any iyong sarili sa pakikipag-ugnayan sa mga tao dito.
https://www.vigattintourism.com/tourism/articles/Experience-the-Best-of-Taguig-Festivals














